Nananatiling bukas ang posibilidad sa pagpapatupad ng face-to-face learning sa mga isolated area o malalayong lugar sa bansa dahil sa mas ligtas ang mga ito mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Education (DepEd), Lunes (Hunyo 1).
"In far-flung areas, most likely the environment will be safe so the blended approach which has a face-to-face component would most likely be happening in very remote areas where nobody actually has been in touch with a possible COVID-19 carrier,” sabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio sa isang panayam.
Dagdag ni San Antonio, kung walang magaganap na face-to-face classes, maaaring personal na bisitahin ng mga guro ang mga mag-aaral at gabayan sila sa mga self-learning modules na ipamamahagi ng DepEd.
Ayon pa sa kanya, dapat na maglabas pa ang DepEd ng alternative learning modes na hindi pa nasusubukan bago pa man ang COVID-19 pandemic. Hindi man ito maging mabisa kumpara sa tradisyonal na pagtuturo, ang mahalaga ay patuloy ang oportunidad sa mga mag-aaral upang matuto.
Una ng inanunsyo ng DepEd na sa Agosto 24 na ang muling pagbubukas ng klase, ngunit giit ni Secretary Leonor Briones, wala munang face-to-face classes hanggat hindi tiyak ang kaligtasan ng lahat.