Lagundi, tawa-tawa pinag-aaralan na bilang gamot sa COVID-19
Bukod sa virgin coconut oil ay pinag-aaralan na rin ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga halamang gamot na lagundi at tawa-tawa sa pag-asang makatuklas ng gamot para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña sa isang panayam, Huwebes (Hunyo 4), sasailalim sa in vitro trials sa isang laboratoryo sa Singapore ang dalawang halamang gamot. Doon ay isasama ang active components ng mga halaman sa virus upang malaman kung magkakaroon ba ng mainam na reaksyon.
"Dalawa 'yung nakalinya na rin, ganoon din ang pagdadaanang proseso [tulad ng VCO]. Kaya lang ito, imbes na sabay ang pagpapa-in vitro trial sa Singapore, uunahin kasi hindi na kami magki-clinical trials kung hindi maganda ang resulta sa laboratoryo," sabi ni Dela Peña.
"Ang tinutukoy ko ay lagundi at tawa-tawa... kasi pareho ring may antiviral properties 'yan kaya nga approved na gamot ang lagundi sa ubo at approved na health supplements ang tawa-tawa sa dengue," dagdag pa niya.
Ayon kay dela Peña, marami pang pag-aaral ang isinasagawa ngayon at maraming din Pilipinong scientists sa ibang bansa ang nagbabalak umuwi ng Pilipinas upang tumulong sa paghahanap ng gamot para sa COVID-19.
No comments:
Post a Comment