OFW remittances inaasahang bababa sa 40% ngayon taon dulot ng krisis
Aabot sa 40 porsyento o $13 billion ang nakikitang pagbaba ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa remittances mula sa mga overseas Filipino worker (OFW) ngayong taon dahil sa kasalukuyang krisis na kinakaharap ng buong mundo.
"Inaasahan natin na bababa sa 30 o 40 porsyento...dahil sa bilang ng mga OFW na umuwi at nawalan ng trabaho habang sila ay nasa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan," sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga senador sa Senate labor committee hearing noong Miyerkules (Hunyo 24).
Giit naman ni Senator Joel Villanueva, na siyang namuno sa committee, masyadong mataas ang kalkulasyon ng DOLE kumpara sa 20-percent drop prediction in OFW remittances in 2020 ng Ateneo Center for Economic Research and Development.
Paliwanag ni Bello, nasa 345,000 OFWs ang naapektuhan ng kasalukuyang krisis. Sa bilang na ito, 191,000 ang piniling manatili sa kanilang country of employment habang 59,000 naman ang umuwi na sa Pilipinas.
Dagdag pa niya, sa mga susunod na linggo, 42,000 OFWs pa ang inaasahang uuwi sa bansa. Nakikita rin daw ng DOLE na apat na milyon pang manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa pagtatapos ng taon dulot ng krisis.
"Bago ang coronavirus pandemic napag-usapan na namin ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa rito at sa abroad. Mas matindi pa ang mga isyu ngayong may pandemya. Obviously, napakatindi po ng tama sa atin dahil may Pilipino sa halos lahat ng mga bansa at kontinente sa buong mundo,” saad niya.
No comments:
Post a Comment