Tubig sa Calamba nagpositibo sa poliovirus, residente nangamba
Kinumpirma ng City Health Office ng Calamba, Laguna, Miyerkules (Hunyo 3), na nagpositibo sa poliovirus type 3 ang tubig sa Ligasong creek, base sa isinagawang buwanang pagsusuri ng lungsod sa daluyan ng tubig.
Dahil dito, hindi naiwasang makaramdam ng takot at pangamba ang mga residenteng naninirahan malapit sa ligasong kung kaya sari-sari ang naging komento ng mga ito sa social media.
"Naku delikado pala sa amin 'yan. Saan kaya nanggaling ang tubig na nirarasyon ng Calamba Water District (CWD) sa mga residente ng Calamba?" bulalas ng isang facebook user nang makita ang isang post patungkol sa balita.
"Please provide water test sample of NAWASA for assurance. Thanks!" panawagan naman ng isa pang residente sa facebook page ng Calamba City Health Office.
Naglabas naman ng pahayag ang CWD at nilinaw na hindi kontaminado ng poliovirus at malinis at ligtas inumin ang kanilang inirarasyong tubig sa lugar. Hinikayat naman ng Sangguniang Barangay ng Bucal ang mga residente na iwasan muna ang paglusong o pagpunta sa Ligasong creek at pakuluan ang tubig na galing sa nawasa bago inumin.
Ang poliovirus type 3 ay isa sa mga uri ng poliovirus. Hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang gamot para rito ngunit maaaring maiwasan sa tulong ng mga polio vaccine, ayon sa World Health Organization (WHO).
No comments:
Post a Comment