Bus company sa Taiwan, nagmulta dahil tinanggihan ang mga migrant worker
Pinagmulta ng NT$5,000 (US$170) ang isang kumpanya ng bus sa Taiwan matapos pagsalitaan ng masasama at hindi pasakayin ng isa sa kanilang Taichung bus driver ang mga migrant worker dahil sa labis na pabango ng mga ito.
Sa isang Youtube video na ini-upload noong Biyernes (Hulyo 3), makikita ang driver na bumaba sa bus para amuyin ang tatlong migranteng manggagawa na naghihintay ng masasakyan sa Youshi-You 9th Intersection bus stop na nasa Yu Shi Industrial Park.
Maya-maya pa ay dalawa lamang ang kaniyang pinasakay at sinenyasan ang isa na umalis na lamang. Nang huminto ulit ang bus sa isa pang bus stop, mayroon ding mga pasahero na mukhang namang Taiwanese ngunit hindi pa rin pinasakay matapos amuyin.
Sa dulo ng video, makikita rin ang driver na sinisigawan at pinababa nito ang isang migrant worker dahil sa labis nitong pabango.
"Get out! You are wearing too much perfume!" singhal ng driver.
Ayon sa manager ng kumpanya ng bus, nagsagawa na sila ng imbestigasyon magbuhat noong makatanggap ng reklamo mula sa isang migrant worker broker agency. Base sa kanilang pagsisiyasat, napag-alaman nila na allergic pala sa pabango ang driver.
Sa ngayon, ay patuloy pa rin sa pagtatrabaho ang driver. Pinayuhan na lamang siya ng kumpanya na magsuot ng mask at buksan ang bintana sa driver's side.
No comments:
Post a Comment