Lotto muling bubuksan sa Agosto; taya balik P20 na
Isang magandang balita para sa mga gustong maging milyonaryo ang pag-aanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pagbabalik operasyon ng lotto sa bansa sa Agosto 4.
Sa muling pag-arangkada nito, tinatayang P304 milyon ang magiging jackpot prize para sa ultra lotto 6/58. Ibabalik na rin sa P20 ang halaga ng taya na dating P24.
"Ang good news pa rito is that from P24, yong ticket magiging bente na ulit. kaya mayroon kaming promo na balik-bente na ang lotto," ayon kay Royina Garma, General Manager ng PCSO.
Sisiguraduhin naman daw ng PCSO na magpapatupad sila ng social distancing, pag-sanitize ng kamay at pagsuot ng facemask. Aabisuhan din nila ang mga nais tumaya na magdala ng sarili nilang ballpen bilang bahagi ng pag-iingat ngayong may pandemya.
Kahit pa magbubukas na sa Agosto, inaasahan pa rin ng PCSO na sa Disyembre o Enero ng susunod na taon pa, maaabot ang dati nitong kinikita sa online lottery.
Samantala, P1.2 hanggang P1.5 bilyon naman ang nawala sa charity fund ng PCSO kaya nabawasan ang pondo para sa mga charity works nito.
No comments:
Post a Comment