Your daily dose of updates from Pinoys in Taiwan and Philippines

Mag-live-in partner, umuwi ng Sorsogon mula Maynila gamit ang pedicab


Dahil sa kawalan ng pangkabuhayan at pasakit na dulot ng kasalukuyang pandemya, napagdesisyunan ng mag-live-in partner na sina Rommel Balbona at Gina Cabalse na umuwi na lamang sa Sorsogon upang magsimula ng panibagong buhay.

Bagama't maganda ang plano ng dalawa na magtinda  na lamang ng isda at gulay sa probinsya bilang pangkabuhayan, wala naman silang pamasahe upang makauwi sa Sorsogon.

Bilang solusyon, naisipan ni Rommel, isang pedicab driver sa Caloocan at may deperensya sa paglalakad at paningin, na gamitin na lamang ang kaniyang pedicab upang makauwi sa probinsya. Aniya, sinubukan nilang kumuha ng travel pass sa barangay ngunit hindi sila binigyan dahil sa kaniyang munting sasakyan.

Lunes ng umaga (Hunyo 29), nang umalis ang dalawa sa Caloocan nang walang paninita mula sa mga pulis na kanilang nadaraanan. Nang makarating sila sa Muntinlupa, may iilang tao na tumulong at kumuha ng litrato sa kanila upang i-post sa social media.

Sa pagbagtas nina Rommel at Gina sa Batangas at Laguna ay may mga tao rin na inabutan sila ng tulong at may mga motorcycle rider pa na humila sa kanilang pedicab gamit ang motorsiklo upang mapabilis ang kanilang byahe.

Sa huli, ay nakauwi rin ng ligtas ang dalawa sa tulong ng isang fraternity (Tau Gamma Phi), na nag-volunteer sa kanila na ihatid sa Sorsogon mula Laguna. Isinakay sila at ang pedicab sa jeepney-type van at pinabaunan din sila ng pagkain at pera.
Share:

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Blog Archive