Your daily dose of updates from Pinoys in Taiwan and Philippines

Mga guro, 9-kilometrong daan at ilog ang tinatawid makapag-seminar lang


Tunay na kahanga-hanga ang mga sakripisyong ibinibigay ng mga guro mula sa Maducayan Elementary School sa Mt. Province para lamang makasama sa webinar, isang seminar para sa blended learning na isasagawa ngayong taon.


Humigit kumulang siyam na kilometrong daan ang kanilang nilalakbay at kailangan pa nilang tumawid sa ilog para lamang makakuha ng malakas na signal para sa online seminar.

Dagdag pa ng mga ito, mas nagiging komplikado ang kanilang sitwasyon kapag hindi maganda ang panahon at madulas ang daan dahil nalalagay sa peligro ang kanilang buhay.

Ayon sa Head Teacher na si Julie Gumatay, kasama sa kanilang sinumpaang propesyon ang magbigay ng edukasyon sa mga bata kung kaya sila man ay nababahala kung paano nila matuturuan ang mga ito sa panahon ng Covid-19. 

Isa pa sa mga naging alalahanin ni Gumatay ay ang kawalan ng gadgets ng kanilang mga mag-aaral at ang kawalan din ng signal sa kanilang lugar kaya naman nananawagan siya na sana ay magkaroon sila ng mas malakas na cell site. 

Dahil sa mahina na internet signal sa kanilang lugar, isang cellphone na lamang ang kanilang ginagamit at nagdadala  na lamang sila ng speaker upang mapakinggan ng lahat ang nagiging diskusyon sa seminar.
Share:

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Blog Archive