Palasyo, kumpyansang 'ise-share' ng Russia ang COVID-19 vaccine sa Pilipinas
Buong kumpiyansang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na ibabahagi ng Russia sa Pilipinas ang bakuna nito para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa oras na handa na itong gamitin sa publiko.
Ayon kay Roque, umaasa siya na isa ang Pilipinas sa makikinabang sa potential vaccine ng Russia dahil sa polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na “friend to all, enemy to none.”
“Dahil naman po sa bagong polisya ng Presidente natin na independent foreign policy kung saan kaibigan tayo ng lahat at kalaban ng walang kahit sinong bansa, inaasahan natin na kung meron mang vaccine madevelop ang Russians e ise-share po nila ‘yan sa’tin", sabi ni Roque.
Dagdag niya, inaasahang sisimulan na ng Russian institute ang final stage testing ng COVID-19 vaccine nito sa kalagitnaan ng Agosto. Dito ay titingnan kung ano ang magiging epekto ng bakuna na ibibigay sa ilang miyembro ng publiko.
Kamakailan lamang ay sinigurado rin ni Roque sa mga Pilipino na sa oras na magkaroon na ng bakuna para sa COVID-19 ay libre itong ipamimigay ng gobyerno sa mga "disadvantaged" o iyong mga walang kakayahang bumili nito.
No comments:
Post a Comment