Pasyente nang-hostage ng doktor sa East Avenue Medical Center
Nagpapagamot lamang ang isang security guard sa East Avenue Medical Center matapos maaksidente sa motorsiklo nang bigla nalang nitong tutukan ng syringe sa leeg at i-hostage ang doktor na si Dr. Russel Carandang, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Ang suspek ay kinilala bilang si Hilarion Achondo, 51 anyos, na pumunta sa naturang pagamutan para ipatingin ang mga tinamo nyang sugat mula sa pagkakaaksidente nito sa motorsiklo.
Matapos itong gamutin ni Dr. Russel Carandang ay bigla na lang nitong tinutukan ng syringe sa leeg ang doktor.
Napansin ng mga pulis, na nasa loob ng ospital, ang komosyong nagaganap sa emergency room kaya nilapitan nila ito.
"Yung paglapit ko, sabi ko di kami kalaban. Nandoon kami para tulungan po sya, nagtuloy-tuloy lang po yung pag-uusap namin hanggang sa mapakalma po siya" lahad ni Staff Sergeant Bienvenido Ribaya III.
Hindi naman umano nasaktan ang doctor sa nangyari samantala nahaharap ngayon ang suspek sa mga reklamong Grave Threat, Grave Coercion at Alarm and Scandal.
No comments:
Post a Comment