Sanggol nagpositibo sa COVID-19; posibleng nahawa habang nasa sinapupunan
Isang bagong silang na batang lalaki ang kinumpirmang kauna-unahang kaso ng sanggol na nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nasa sinapupunan pa lamang ng kaniyang ina.
Ayon sa mga doktor mula sa France, isinilang ang sanggol noong Marso. Dumanas ito ng pamamaga ng utak at iba pang neurological symptoms na maihahalintulad sa mga nararanasan ng mga matatanda na positibo rin sa COVID-19.
"We have shown that the transmission from the mother to the fetus across the placenta is possible during the last weeks of pregnancy," ayon kay Daniele De Luca, isang doktor sa Antoine Beclere Hospital malapit sa Paris.
Ayon sa mga iba pang eksperto, mataas ang concentration ng virus sa placenta. Mula rito ay maaaring dumaan ang virus sa umbilical cord dahilan upang maipasa ang sakit sa sanggol.
Ang magandang balita, ayon kay De Luca, ay madalang lamang mangyari ang ganitong kaso. Dagdag niya, sa libo-libong sanggol na isinisilang ng mga inang positibo sa COVID-19, hindi aabot sa isa o dalawang porsyento ang nagpopositibo rin sa virus.
No comments:
Post a Comment