Taho vendor, matyagang namimigay ng taho kahit wala na halos kitain
Sa kabila ng tirik na tirik na araw, matyaga pa ring namimigay ng taho ang tinderong si Gimmy Conod, 52 taong gulang, sa mga motoristang nakapila sa Bonifacio Shrine para sa libreng COVID-19 testing na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Kwento ni Manong Gimmy, magbuhat noong magsimula ang krisis sa bansa, hirap na siyang mapaubos ang kaniyang paninda. Kaya sa halip na itapon, mas minabuti niya na lamang na pakinabangan ng libre ng mga tao ang kaniyang inilalakong taho.
Ayon pa sa kaniya, siya ay may mild stroke kung kaya nahihirapan siya hindi lamang sa pagbubuhat ng kaniyang tinda kundi pati na rin sa pagsasalita. Dahil din dito, madalas siyang nakararamdam ng hilo kaya ipinamimigay nya na ang kaniyang taho noon pa man para makauwi at makapagpahinga.
Nangangailangan si Mang Gimmy ng pera para sa kaniyang maintenance kung kaya kahit pa hirap na, tuloy lamang siya sa pagkayod. Sa ngayon, ay naninirahan siya sa isang jeep dahil aniya kung uuwi siya sa kaniyang tahanan ay hindi na siya makalalabas at makapagbebenta dulot ng lockdown na ipinatupad sa kanilang lugar.
Bagama't malaking sakripisyo ang kaniyang ginagawa sa pamimigay ng taho, ayon sa kaniya, masaya pa rin siya na nakatutulong siya sa gobyerno sa kaniyang sariling paraan.
No comments:
Post a Comment