|
Photo from GMA News |
Dobleng laban sa dalawang matinding sakit ang pinagdadaanan ng isang Pilipinong nurse sa United Kingdom bukod sa cancer, dinapuan pa siya ng COVID-19.
Ayon sa GMA News and Public Affairs, sinabing 18 taon nang nagtatrabaho si Gregorio "Greg" Samson sa isang private hospital sa Essex, na isa rin sa mga pinakamalaking health provider sa UK.
Matapos magbakasyon ni Greg sa Pilipinas nitong nakaraang taon, may napansin siyang kakaiba sa kaniyang katawan na tila bukol sa kanang bahagi ng kaniyang tiyan, nang bumalik siya sa UK at ipatingin sa mga doktor doon, nakumpirmang may Stage 2 gastroesophageal cancer si Greg.
Pagbalik ng pamilya ni Greg sa kanilang tahanan sa UK galing sa Pilipinas, nagpakita ng COVID-19 symptoms ang kaniyang asawa, na sinundan ng kaniyang anak at nagkaroon na rin ng pabalik-balik na lagnat si Greg at nang magpasuri, nakumpirmang positibo na siya sa virus.
"If you want to experience it, sabi ko nga sa kanila, takpan mo 'yung ulo ng unan tapos try to breathe. Ganoon ang feeling nu'ng gusto mong huminga pero hindi ka makahinga," ani Greg, na isang high-risk case.
"Talagang alam ko maku-cure 'yung cancer ko. Pero itong COVID-19, talagang halos nag-give up na ako,” dagdag pa niya.
Kasalukuyan, patuloy ang pagsailalim si Greg sa chemotheraphy, "I always say I work hard, play hard. Kumbaga parang nakalimutan ko na tao rin pala ako na kailangan kong magpahinga. Mayroon din pala akong kailangan na Diyos na kailangang sambahin. Noong dumating ito, talagang makikita mo 'yung kahalagahan ng family,” paalala ni Greg.