4 na online scammer ng faceshield, arestado
Sa kulungan ang bagsak ng mag-asawa at dalawa pang katao na sangkot sa isang online scam ng faceshield, matapos silang hulihin ng pulisya sa Malate, Manila noong Miyerkules ng gabi.
Naaresto ang suspek na si Raymund Manzanares, 42, at ang kaniyang asawa na si Vivien, 47, kasama sina Krizia Allen Cay Mercurio, 32, at Christine Pitiquen, 33, sa entrapment operation na isinagawa sa isang hotel sa P. Ocampo street dakong alas diyes ng gabi.
Ayon kay Maj. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District theft and robbery section, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng biktimang si Vanessa Abajo na galing pang Malasiqui, Pangasinan.
Kwento ni Abajo, nagbayad siya at ang kaniyang business partner ng humigit kumulang P1.8 million ngunit wala silang natanggap na 50,000 faceshield gaya ng inaasahan.
Apat na araw ang lumipas at hindi pa rin nakatatanggap ng produkto si Abajo. Dito na siya nakiusap na ibalik ang kaniyang pera ngunit walang maibigay ang mga suspek.
Paalala ng Department of Trade and Industry, makipagtransaksyon lamang sa mga online shops na rehistrado sa mga government agency gaya ng Securities and Exchange Commission upang maiwasan ang parehong krimen.
No comments:
Post a Comment