Flight attendant na nawalan ng trabaho, nagpatuloy sa lipad bilang online seller
Malaking dagok man kay Em Enrique ang pagkawala ng kaniyang trabaho bilang isang flight attendant dulot ng pandemya, hindi pa rin ito nagpadaig at muling bumangon sa pamamagitan ng pagtitinda ng prutas online.
Maganda ang sahod ni Enrique noon sa pagiging flight attendant, ngunit dahil sa operasyon ng kaniyang ina ay naubos din ang kaniyang ipon dahilan upang alalahanin niya kung saan sila kukuha ng kanilang panggastos sa araw-araw.
"Nagkaroon ng anxiety kasi we are not sure kung may babalikan kaming work. Well until now we’re not sure,” sabi ni Enrique.
Sa huli, ay napagdesisyunan ni Enrique na subukan ang pagtitinda online ng in-demand ngayon na avocado. Dalawang araw pa lamang ang nakalilipas nang siya ay magsimula, umabot na ng 80 hanggang 100 kilo ang kaniyang naibenta.
Hindi man kasing-laki ng kinikita niya sa pagiging flight attendant ang kaniyang pagtitinda, aniya, sapat naman ito upang masuportahan ang kanilang pangangailangan araw-araw.
Mensahe ni Enrique sa mga kagaya niyang nawalan ng trabaho dahil sa krisis, "Hindi lang tayo mag-e-end doon sa regular job natin, we can stretch our potential, we can push ourselves.”
No comments:
Post a Comment