Michael V hinihinalang sa package deliveries nakuha ang COVID-19
Mga package delivery ang hinihinalang dahilan ng komedyanteng si Michael V kung bakit siya nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), kwento niya sa kanyang vlog kamakailan.
Noong una, ayon kay Bitoy, ay inakala niya na nakuha niya ang sakit mula sa tatlong taong nakasalamuha nila sa Batangas ngunit napag-alaman niya na sa isinagawang test, lumilitaw na negatibo ang mga ito sa virus.
Maging ang kaniyang asawa at mga anak ay hindi rin positibo sa sakit, nangangahulugan na hindi siya nahawa ng COVID-19 habang sila ay nasa Batangas.
Dito na napaisip si Bitoy na baka sa mga inihatid na package niya nakuha ang virus. Nag-disinfect naman daw sila bago buksan ang mga ito ngunit marahil dahil sa tuwa, nakaligtaan na nilang linisin ang mismong mga produkto.
“Sa sobrang atat ko malamang hindi ko na na-sanitize yung loob ng package. Yun lang ang nakikita kong paraan para makasingit yung virus sa loob ng katawan ko,” kwento ni Bitoy.
Sa huli ay pinaalalahanan ni Bitoy ang publiko na linisin muna ang mga bagay na ide-deliver sa kani-kanilang tahanan upang tiyak na makaiwas sa sakit.
“Kaya advice ko sa lahat ng mahilig magpa-deliver, please lang maniguro kayo,” aniya.
No comments:
Post a Comment