Nalimas ang ipon na P1.8 million ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Korea matapos umano itong waldasin ng kaniyang nobya na pinagkatiwalaan niya sa pagmando ng kaniyang savings account sa bangko.
Sa naging panayam ng OFW na si Ryan Katigbak sa Raffy Tulfo in Action, ibinahagi nito na buwan-buwan ay nagpapadala siya ng P100,000 sa kaniyang girlfriend na si Kristine Mae Cortiguerra kung kaya nakaipon siya ng P1.8 million sa loob ng limang taon.
Ang perang ito ay para sana sa pangkasal at hinaharap nilang magkasintahan ngunit laking gulat na lamang ni Katigbak nang malaman niyang wala na palang laman ang kaniyang savings account dahil sa kagagawan ng nobya.
Depensa naman ni Cortiguerra , hindi niya winaldas ang perang naipon ni Katigbak. Nabudol lamang umano siya ng isang driver na si Rodrigo Magnaye na naghahatid-sundo sa kaniya sa tuwing siya ay may lakad.
Kwento niya, sa tuwing sasakay daw siya sa sasakyan nito ay palagi raw may ini-spray ang driver hanggang sa hindi niya namamalayan na bigay na lamang siya ng bigay ng pera rito.
Pinabulaanan naman ito ni Magnaye at maging ang host na si Raffy Tulfo ay hindi kumbinsido sa palusot ni Cortiguerra.
No comments:
Post a Comment