Ibang ibang raket sa Australia ang pinasok ng isang Pinoy nursing board topnotcher dito sa Pinas tulad ng pagiging barbecue boy, toilet cleaner at fish vendor bago siya naging matagumpay na nurse ngayon.
Si Jao Jundam ay sinulat ang kaniyang naranasan sa unang limang taon niya sa Australia.
Barbecue boy ang unang naging trabaho ni Jundam sa isang transient barbecue place pero tumagal lamang siya ng dalawang linggo.
Sunod naman siyang nakahanap ng trabaho sa fish market. "Sa palengke po siya, nagbebenta po ako ng isda, and that helped me support my tuition, my rent, my everyday expenses," kuwento ni Jundam.
“Lahat ng jobs napasukan ko, from cleaning toilets, sa pagka-cashier, pag-serve ng mga kape, lahat. Any jobs na puwedeng pasukan, as long as marangal," dagdag niya.
Hindi naiwasan ni Jundam na ikumpara ang sarili sa mga kasama niya na nag-aaral nang magdoktor.
“Sa totoo lang po natapakan ang ego ko, ilang beses ko pong gustong umuwi ng Pilipinas. Pakiramdam ko bakit ko ulit kailangang mag-aral, bakit ang hirap makahanap ng trabaho. Kasi po dapat mag-aaral din ako ng medisina sa Pilipinas. Parang kinumpara ko 'yung sarili ko roon sa batchmates ko na nag-aaral ng pagiging doktor tapos ako, ito, naglilinis ng toilet, nagbebenta ng isda," Ayon kay Jundam.
Naranasan na rin ni Jundam na kapusin sa pagkain dahil kulang sa pera.
"Minsan binibigyan po ako ng buto ng salmon tapos bumibili na lang ako ng gulay tapos sinigang mix sa Asian shop. Tapos 'yun na po ang lulutuin kong sinigang. For the whole week 'yun na po ang baon ko."
Alam ng best friend niyang si Dudeng ang tunay na pinagdaanan ni Jundam at pinost ito ni Dudeng noong nakaraang taon ngunit pumanaw si Dudeng noong nakaraang taon dahil sa lupus, at hindi nakauwi si Jundam dahil mahigpit ang restriction noong pandemic.
Nalagpasan na ngayon ni Jundam ang mga hirap at isa nang matagumpay na nurse sa Australia.
Kinilala ng UN International Organization for Migration sa Australia ang kuwento ni Jundam. Mensahe ni Jundam sa mga kabataang susuong nang maaga sa migration na huwag agad susuko kahit ano mang hamon ang dumating.
No comments:
Post a Comment